Dapat magbayad ng wastong buwis ang mga opsiyal ng kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation, kung hindi ay dapat makulong ang mga ito dahil sa tax evasion, sabi ni Pangulong Duterte nitong Martes, Nob. 9.

Nagbabala ang Pangulo sa naganap na weekly pre-recorded public address kung saan pinunto niyang “wala siyang pakailam” sa nasasangkot na kompanya.

“For all we care, those persons there na hindi nagbayad tax evasion, they can all go to prison. Problema nila ‘yan,’ sabi ng Pangulo.

“Wala tayong pakialam sa iba. Iyong sabi nilang Pharmally hindi bumabayad, ay ikulong ninyo ‘yan,” dagdag niya.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

“Gusto niyo patayin pa ninyo. Wala— wala kaming pakialam. ‘Pag hindi nagbayad ng taxes, kriminal ‘yan,” pagpapatuloy ni Duterte.

Ito ang pahayag ng Pangulo makaraang matuklasan ng mga senador na ang Pharmally, ang kompanyang nakasukbit ng halos P10 bilyong halaga ng kontrata sa Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) para sa umano’y substandard na mga medical equipment, ay maaaring nagkulang sa pagbabayad ng buwis.

Sa isa sa mga pagdinig na ginanap ng Senate Blue Ribbon Committee, ipinakita na ang kompanya ay may P3.4 bilyong halaga ng purchases noong 2020. Gayunman, walang dokumentasyon o patunay na ito ay idineklara sa income tax returns ng kompanya na inihain sa Bureau of Internal Revenues (BIR).

Ang halagang ito ay halos kalahati ng P7.2-bilyong purchases na idineklara ng Pharmally sa audited financial statement nito.

Raymund Antonio