Naging usap-usapan nitong nakaraang araw sa mga online pageant community ang kontrobersyal na pagkansela sa Miss Glamour International 2021 sa bansang Mexico.
Gaganapin sana ang coronation night ng Miss Glamour International nitong Nobyembre 7, subalit ilang Pinoy fans ang nagulat nang hindi natuloy ang nasabing pageant.
Si Gianna Margarita Llanes ang delegada ng Pilipinas sa naturang pageant kung saan ilang linggo na itong namalagi sa bansang Mexico para sa pre-pageant activities kabilang na ang preliminary swimsuit at media conference.
Matapos na kumalat ang isyu, isang pageant page sa Instagram ang nagbulgar sa umano’y bigong pagbayad ng Miss Glamour organization para sa hotel accommodation ng mga kandidata.
“The fake pageant that promised 100,000 dollar prizes while bringing six candidates to Oaxaca, Mexico, is now showing its real face,” sabi ng Pageant Control sa Instagram.
Alegasyon pa ng pageant page, nakansela ang finals dahil sa hindi pa nababayarang utang ng organisasyon kalakip ang mga larawan ng mga kandidatang tumuloy na lang umano sa bahay ng organizer. Tinawag pa itong "fake" sa parehong instagram post.
Kalauna’y naglabas ng pahayag si Gianna at ibinunyag nga nitong hindi na tuloy ang naturang pageant at kasalukuyang “ligtas” at nasa pangangalaga siya ng isang magulang ng isang kandita sa Mexico.
“May mga miyembro rin ng mamamayan dito na tumutulong sa’kin tawagan ang Filipino at Canadian Embassy dito sa Mexico,’ ani Gianna sa isang pahayag nitong Lunes, Nob. 9.
“Ang Pilipinas ang may pinakamalaki na suporta sa pageant kaya importate sa akin na ibahagi sa inyo kung ano ang nangyari pag-alis ko ditto,” dagdag niya.
Sa huli ay nagpasalamat ang kandidata sa mga positibong mensaheng natatanggap niya kasunod ng pagkapurnada ng naturang pageant.
Wala pa ring opisyal na pahayag ang organisasyon sa pag-uulat kaugnay ng dahilan ng kanselasyon.
Anim na kandidata sana ang magtatagisan ng ganda at talino para sa Miss Glamour International crown.