Nakatakdang tumaas sa 70 percent ang kapasidad ng mga pasahero sa rail at land-based public transportation services sa Metro Manila at mga karatig na probinsya simula Huwebes, Nob. 4.
Ito ang pinakabagong polisiya habang sinisimulan na ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng mga unti-unting pagtaas ng kapasidad ng pasahero sa mga rail lines at mga piling public utility vehicles (PUVs) sa loob ng isang buwan hanggang kalauna’y umabot sa 100 percent capacity.
Ang hakbang na ito ay inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Managemnet of Emerging Infectious Disease noong Oktubre 28 sa gitna ng patuloy na pagbaba ng mga impeksyon sa COVID-19 sa bansa, kasabay ng agresibong pagbabakuna ng gobyerno.
Sa ilalim ng Memorandum Circular 2021-064 na inisyu ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Martes, Nob 2, ang mga pampasaherong bus, jeepney, at UV Express na serbisyo sa Metro Manila at mga karatig na probinsya ng Laguna, Rizal, Cavite at Bulacan ay maaaring gumana sa ilalim ng aprubadong kapasidad ng pasahero.
Bukod sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19, binigyang-DIIN NI ltfrb chairman Martin Delgra ang pangangailangang dagdagan ang kapasidad ng pasahero sa mga PUV dahil sa lumalaking demand para sa pampublikong transportasyon dahil nagsisimula nang lumuwag ang mga quarantine restrictions at mas maraming negosyo ang muling nagbubukas.
Idinagdag niya na ang pagtaas ng kapasidad ng pasahero ay makatutulong din upang maibsan ang epekto ng pandemya at kamakailang pagtaas ng presyo ng gasolina sa kabuhayan ng mga PUV driver at operator.
“The livelihood of public transport drivers and operators was severely affected with passenger capacity in public transport maintained at 50 percent. Increasing passenger capacity will mean a higher revenue for the public transport sector lalo’t mas marami ng tao ang pinapayagang lumabas,” sabi ni Delgra.
Hindi na ire-require ang plastic barriers
Nilinaw din ng LTFRB chief na hindi na requirement ang plastic barriers sa loob ng mga public utility jeepneys (PUJ) basta’t tiyakin lang na nasusunod ang social distancing at ang iba pang health protocols sa loob ng mga pampublikong sasakyan.
“Hindi po DOTr ang nag-require na magkaroon ng plastic barrier sa pagitan ng mga pasahero ng pampublikong sasakyan gaya ng jeepney. Ang inilabas na protocol ng DOTr noon ay ang pag-install ng plastic barrier upang ihiwalay ang drayber sa pasahero noong tayo ay nasa GCQ (general community quarantine) noong nakaraang taon,” dagdag niya.
Kapasidad ng mga tren hanggang 70%
Papayagan din ang mas maraming pasahero sa mga major railway systems sa National Capital Region (NCR) simula Huwebes, ayon kay DOTr Undersecretray for Railways TJ Batan.
Pahihintulutan ang Light Rail Transit Lines 1 at 2 (LRT-1 at LRT-2), at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), at Philippine National Railway (PNR) na ipatupad ang pagtaas ng kapasidad ng mga pasahero ng mga pasahero sa 70 percent mula sa kasalukuyang 30 percent.
Narito ang tinantyang bilang ng mga pasahero na maaaring ma-accommodate sa mga linya ng tren per train set:
• LRT-1
30% capacity: 337 (1G trains), 407 (2G trains), 416 (3G trains)
70% capacity: 785 (1G trains), 951 (2G trains), 972 (3G trains)
• LRT-2
30% capacity: 488
70% capacity: 1,140
• MRT-3
30% capacity: 372
70% capacity: 827
• PNR
30% capacity: 286
70% capacity: 667
“Studies have shown that only 0.2 percent of traceable outbreaks in Germany were linked to transport; only 1.2 percent of COVID-19 clusters are linked to transport (land, air, and sea); and that there is only a 0.01 percent chance of contracting COVID-19 in public transportation, with the probability decreasing to 0.005 percent risk of infection with face covering,” pagpupunto ni Batan.
Pinaalalahanan naman ng DOTr ang mga tsuper at pasahero na sundin ang seven commandments sa loob ng pampublikong sasakyan:
1. Pagsusuot ng face mask at face shield
2. Hindi pagsasalita kabilang ang pagsagot ng tawag sa telepono
3. Iwasang pagkain
4. Pagpapanatiling well-ventilated ang mga PUV
5. Maya’t mayang disinfection
6. Pagbabawal sa mga pasaherong may sintomas ng COVID-19 sa loob ng mga pampublikong sasakyan
7. Pagsunod sa angkop na physical distance
Alexandria Dennise San Juan