Ibinunyag ni Presidential spokesman Harry Roquenitong Martes, Nobyembre 2 na pinag-aaralan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Disease ang posibleng pagtatapos ng face-shield policy.

Gayunpaman, hinikayat ng opisyal ng Palasyo na manatiling magsuot ng face shields habang wala pang pinal na desisyon sa ngayon.

“I can confirm po na habang bumababa ang mga numero ay pinag-uusapan na rin po kung ipagpapatuloy pa ang pagsuot ng face shield,” sabi ni Roque.

“Dahil bumababa ang numero marami nang, kung baga, nagsasabi sa IATF na baka dapat itigil na rin ang pagsusuot ng face shield pero wala pa pong desisyon ah. Magsusuot pa rin po tayo ng face shield,” dagdag ng opisyal na tinutukoy ang bilang ng kaso ng COVID-19.

National

Catanduanes, niyanig ng 4.8-magnitude na lindol

Partikular na binanggit ni Roque ang 3 Cs kung saan dapat na magsuot ng face shield--closed spaces, crowded places, and close-contact settings.

Wala pa mang pinal na desisyon, sinabi ni Roque na pinag-aaralan na ng technical working group ang posibilidad na pagbawi sa face shield requirement.

Nakita ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 cases sa bansa sa nakalipas na dalawang linggo. Tanging Pilipinas lang sa buong mundo ang may face shield mandate.

Bagaman binawi na ng pamahalaan ang pagsusuot ng face shield sa outdoor areas, ni-require pa rin ang publiko na magsuot nito sa loob ng mga establisimiyento kagaya ng malls at grocery stores.

Makailang panawagan naman ang inihapag ng publiko at ng ilang grupo ang pagbawi sa polisiya.

Nitong Lunes, Nobyembre 1, nakapagtala ang bansa ng nasa 3,117 bagong kaso ng COVID-19, pinakamababa simula noong Mayo 23 ngayong taon.

Raymund Antonio