Kinundena ng mga matataas opisyal ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ang umano’y pagtanggal ng mga subersibong aklat at dokumento sa ilang state university libraries.

Sa isang pahayag, sinabi ng Office of the Chancellor Executive Staff na ang pagtanggal ay “sumasalungat sa misyon ng mga unibersidad na magturo nang nakapag-iisa at itaguyod ang kalayaang pang-akademiko.”

Unibersidad ng Pilipinas (UP) via UP official website

Anna Mae Yu Lamentillo, kinilala bilang finalist sa She Shapes AI Awards 2024/25

“Ang pagtatanggal ng mga piling materyales ay isang malinaw na halimbawa ng censorship at pagkitil sa kaalaman. Pag-abandona ito sa kalayaang mag-isip, magtanong, at magsaliksik; at sa kalayaang tumuklas ng katotohanan batay sa sariling kakayahan ng mga mag-aaral,” sabi ng pahayag.

Matatandaan nitong Setyembre, tinanggal ng Kalinga State University (KSU), Isabela State University (ISU), at Aklan State University (ASU) ang ilang aklat na sinulat o may kaugnayan sa NDFP para umano “protektahan” ang mga kabataan at estudyante sa insurgent ideology.

Kabilang sa kinumpiskang aklat ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHIHL); NDFP Declaration and Program of Action for the Rights, Protection, and Welfare of Children; at ang Government of the Philippines-NDFP Peace Negotiations Major Arguments.

Gayunpaman, pinunto ng mga opisyal ng UP Diliman na kung protektahan ang kabataan ang layunin, hindi ito nakakamit sa pamamagitan ng paglilimita sa kanilang mambabasa.

“Sa halip ay nararapat natin silang hikayating buksan ang kanilang isipan. Hayaan natin silang magtanong at bumuo ng kanilang mga sariling konklusyon,” dagdag nila.

“Isulong ang academic freedom at pangalagaan ang kalayaan ng ating mga pamantasan. Bigyan ang kabataan ng kalayaang makipagtalakayan, magsaliksik, tumuklas ng katotohanan, at maging bukas ang isipan nang mahubog ang isang henerasyon ng mga Pilipinong may pakialam sa lipunan, may pagpapahalaga sa kapwa, at mga tunay na lingkod-bayan.”

Gabriela Baron