Naging tradisyon na ng mga Pilipino na tuwing Nobyembre 1, nagtutungo ang mga tao sa sementeryo upang dalawin ang puntod ng mga mahal sa buhay na namayapa na; minsan, nagsisilbi pa nga itong reunion dahil minsan sa isang tao, nagkakatagpo-tagpo ang mga magkakamag-anak.
Ngunit dahil sa pandemya, naiba na ang nakagawian dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pagtungo sa mga sementeryo upang maiwasan ang pagdagsa at pagkukumpulan ng mga tao. Para kay Marvin Aranda, 36, isang bookkeeper mula sa Northdale Villas, Naic, Cavite, hindi problema kung hindi makakapunta sa sementeryo upang madalaw ang puntod ng yumaong ina sa Undas kaya gumawa na lamang siya ng improvised sementeryo sa bakuran ng kanilang bahay.
"Dahil di makapunta sa sementeryo… dito na lang sa bahay magtirik… parang nasa sementeryo rin naman. We love you so much nanay ko! Dito ka na sa bago nating bahay. Miss you so much!!!" ayon sa caption ng kaniyang Facebook post.
Sa biglang tingin, aakalaing nasa memorial park sila dahil improvised din ang lapida na kaparehong-kapareho sa aktuwal na nitso nito, may bulaklak, kandila, at larawan ng kaniyang yumaong ina na nakalagay sa picture frame. Naglagay rin sila ng mga palamuting pang-Halloween gaya ng paniki at mga agiw.
Ayon sa panayam ng Balita Online, ang kaniyang inang si Violeta Suazo ay sumakabilang-buhay dahil sa sakit na breast cancer noong Hulyo 19, 2018. Kahit tatlong taon nang wala ang kaniyang ina, pakiramdam ni Marvin ay nasa tabi lamang niya ito, ginagabayan siya sa araw-araw.
Kaya naman, naisipan niya ang ideyang ito dahil nga napalayo na siya sa sementeryong kinalalagakan ng kaniyang ina matapos makabili ng sariling bahay sa Cavite.
Ngunit kung siya ang tatanungin, mas pipiliin pa rin niyang gunitain ang Araw ng mga Patay sa aktuwal na sementeryo dahil naroon ang katawan nito.
"Hindi kasi makadalaw sa sementeryo dahil sarado na at ito yung dreamhouse niya noong nabubuhay pa siya. Mas ok pa rin na sa sementeryo dahil naroon ang katawan niya, pero dahil pandemya, hangga't nasa puso namin siya wala naman kaibahan dahil lagi naman namin siyang kasama…"