Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 3,410 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Linggo, Oktubre 31.

Batay sa DOH case bulletin #596, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umaabot na sa ngayon sa 2,787, 276 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

Sa naturang kabuuang bilang, 1.6% na lamang o 45,233 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman.

Kabilang sa active cases ang 73.6% na nakakaranas ng mild cases, 11.83% na moderate, 4.9% na asymptomatic, 6.8% na severe at 2.9% na kritikal.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nakapagtala rin ang DOH ng 5,825 bagong gumaling sa karamdaman kaya’t sa kabuuan, umaabot na sa 2,698,871 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 96.8% ng total cases.

Mayroon ring 128 pasyente namatay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19.

Sa ngayon ang Pilipinas ay mayroon nang kabuuang 43,172 COVID-19 deaths o 1.55% ng total cases.

Samantala, iniulat rin ng DOH na mayroon pa rin namang 30 duplicates ang inalis ng DOH sa total case count, kabilang dito ang 25 recoveries.

Mayroon ring 91 pasyente na unang tinukoy bilang recoveries ang kalaunan ay nireklasipika matapos na lumitaw sa pinal na balidasyon na binawian na pala sila ng buhay.

“Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong October 29, 2021 habang mayroong 4 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS),” anang DOH.

“Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 4 labs na ito ay humigit kumulang 0.6% sa lahat ng samples na naitest at 0.04% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anito pa.

Patuloy pa rin naman ang paalala ng DOH sa publiko na huwag maging kampante at manatiling maging maingat upang hindi dapuan ng COVID-19.

Mary Ann Santiago