Usap-usapan sa social media ang Chinese artist na si Yang Yexin mula sa Shanghai, China, matapos niyang maghagis at magtapon ng mga 'golden rice' sa mga basurahan, damuhan, kanal, at ilog upang ipakita ang kaniyang protesta at panawagan sa mga tao, na manghinayang sa mga pagkaing nasasayang at natatapon.

Ang naturang mga ginintuang butil na hugis-bigas ay may 500 gramo ng ginto ay aabot sa halos 200,000 yuan o ₱1.6 milyon at nasa 1,000 piraso naman ang itinapon niya.

“Wasting ordinary things cannot arouse people’s interest now. Only extreme wastage can make people see how serious the issue is and then change their mindset and behaviour,” nakasaad sa caption ni Yexin sa video na inupload niya sa Sina Weibo. Kaugnay ito sa paggunita ng 'World Food Day'.

Maraming mga netizens ang hindi natuwa sa kaniyang ginawa dahil nagsayang lamang siya umano ng ginto. Subalit dito nga papasok ang nais na ipaunawa ni Yexin sa mga tao.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Aniya, kung gaano nanghinayang ang mga tao sa itinapon niyang mga ginto, sana ay ganoon din ang panghihinayang sa tuwing may napapatapon at nasasayang na pagkain.

May lumabas na pag-aaral na umaabot sa 18 milyong tonelada ng pagkain ang nasasayang taon-taon sa China, kaya naman, ginamit niyang simbolo ang bawat butil ng gintong bigas sa mga pagkain na dapat pahalagahan at hindi dapat sinasayang, lalo na sa panahon ng pandemya. Matatandaang nagsimula ang COVID-19 sa bansang China, kumalat, at lumaganap sa buong mundo.

Samantala, ang Sina Weibo ay isang Chinese microblogging website na ni-launch ng Sina Corporation noong August 14, 2009, at itinuturing na isa sa mga pinakamalaking social media platforms sa China.