Dapat manatili sa mga tahanan ang mga batang hindi pa bakunado laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayan ang paalala ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa publiko nitong Oktubre 26 sa gitna ng kalituhan kung pinapayagan ba o hindi ang mga bata sa labas ng mga tahanan matapos maibaba ang alert level sa National Caapital Region (NCR).
“Nasa IATF (Inter-Agency Task Force) resolution naman po yan. As a general rule, stay home pa rin ang mga bata habang hindi pa sila bakunado,” sabi ni Roque sa isang virtual press conference.
“Pero may exception naman po yun. Pwede sila lumabas for exercise, pwede sila lumabas sa open areas dahil importante rin po yan sa mental health,” dagdag ni Roque.
Nitong unang mga linggo ng Oktubre, ibinaba sa alert level 3 ang rehiyon mula sa dating alert level 4.
Sinabayan ito sa pagbabakuna sa mga menor de edad na 12 hanggang 17 taong-gulang laban sa COVID-19 kung saan inakala ng publiko na maaari nang dalhin sa labas ng bahay ang mga bata.
Nakita ang resulta nito nang dumugin ang dolomite beach sa Maynila kung saan makikita ang mga batang dinala sa naturang lugar.
“Ang dapat lang natin i-emphasize, hindi pa rin dapat i-byahe ang mga bata doon sa mga sites na ganito. Pero at the same time, siguro yung mga nandun sa area na yun ay pupwede naman pumunta roon dahil open area yun,” sabi ni Roque.
May mga ulat na nagmula pa sa labas ng Metro Manila ang mga namasyal sa lugar.
“Importante na magkaroon naman po ng respite at konting libangan which is good for the mental health of everyone, including our children.”
Ellson Quismorio