Kamakailan lamang ay pinag-usapan ang pag-amin ni Direk Bobet Vidanes kung bakit siya nagbitiw sa tungkulin bilang direktor ng 'It's Showtime' at ABS-CBN, at agad na tumalon sa karibal at kabubuong noontime show sa TV5 na 'Laugh Out Loud' o LOL.

Aniya, kinonsidera niya umano ang kaniyang kalusugan dahil masyado nang 'toxic' ang environment sa mismong programang siya ang nagsimula at bumuo. Marami umanong 'naglilider-lideran' sa naturang show; may mga desisyon umano na hindi ipinapaalam sa kaniya, at nagugulat na lamang siya. Pakiramdam niya umano ay naba-bypass siya bilang direktor.

"Isa pa po sa main reason kung bakit ako naghanap ng ibang buhay, ito po totoo ito, pinili ko po yung health, yung kalusugan. Kasi po, yung pagtatrabaho ko sa kabila, hindi na po healthy. Mamamatay po ako nang maaga," aniya.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/10/12/direk-bobet-sa-paglayas-sa-its-showtime-mamamatay-ako-nang-maaga/

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Sa eksklusibong panayam sa kaniya ng Philippine Entertainment Portal o PEP, tila makahulugan ang tugon ni Direk Bobet kung nagpaalam ba siya nang maayos sa Chief Operating Officer of Broadcast ng ABS-CBN na si Ms. Cory Vidanes, na kaniyang asawa subalit hiwalay na sila ngayon.

Batay sa kaniyang tugon, mukhang hindi sila nakapag-usap nang personal, bagama't nagbigay naman umano siya ng resignation letter. Ang immediate head umano niya na si Lui Andrada ang tumanggap nito.

"Ahh, hindi po. Hindi po ako… hindi po ako nakakarating, eh. Sarado po yung pinto. May proper channeling. May boss naman ako, eh. Si Lui Andrada," aniya. Si Lui Andrada ang TV production head ng entertainment shows for non-scripted format ng Kapamilya Network.

Ang sumunod niyang tugon ang talagang palaisipan.

“After kay Lui, kay… Lauren yata yung pangalan no'n. Tapos, kay Cory. So, ganoon po iyon. Kasi hindi nila ako kinakausap, eh. Hindi ko sila ganoon kakilala."

Ang tinutukoy ni Direk Bobet na 'Lauren' ay walang iba kundi si Direk Laurenti Dyogi, ang ABS-CBN entertainment production head nangangasiwa ngayon sa talent-management arm ng ABS-CBN na Star Magic, matapos layasan ito ng Chairman Emeritus na si Johnny 'Mr. M' Manahan, kasama si Mariole Alberto, na parehong nasa GMA Artist Center na ngayon bilang consultants.

Batay sa mga netizens, imposibleng hindi sila magkakakilala dahil sila-sila rin naman ang nagkakahalubilo sa ABS-CBN,at batay sa pagbanggit niya ng pangalan ni Direk Lauren, tila may isyu at tensyon sa pagitan nilang dalawa, na sila-sila rin lamang ang nakakaalam. Hindi na ito idinetalye ni Direk Bobet.

"Pero ano 'yun, talagang ano lang… talagang… Meron naman silang sariling diskarte, nire-respect ko 'yon. Pero I believe, hindi na tama 'yun. So… hindi nila ako kailangan doon," pahayag pa ni Direk Bobet sa kaniyang matinding dahilan kung bakit siya lumayas sa Kapamilya Network.

Matatandaang ganito rin ang rason ni Mr. M kung bakit niya piniling magbitiw sa kaniyang tungkulin bilang head ng Star Magic; na pakiramdam daw niya ay hindi na iginagalang ang kaniyang mga desisyon, hindi siya pinakikinggan ng management, at may mga 'shadow talent-management arm' sa loob mismo ng kompanya, maliban sa Star Magic.

Samantala, wala pa namang tugon si Direk Lauren o maging si Ms. Vidanes sa isyung nabanggit ni Direk Bobet batay sa panayam na ito.