Matapos maghain rin ng certificate of candidacy ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan bilang bise-presidente at ka-tandem ni Vice President Leni Robredo sa Halalan 2022, nagulat ang pamilya ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na kilalang kamag-anak ng asawa ni Kiko na si Sharon Cuneta.
Bago pa ang paghahain ng kandidatura ni Kiko, ilang mga kaibigang mambabatas at kilalang personalidad na ang nagpaubaya at tinanggihan ang mga offer sa parehong posisyon bilang respeto sa pagkakaibigan at kay Helen Gamboa, asawa ni Tito.
Kabilang sa mga tumanggi ang aktres-host na si Kris Aquino, Senate Minority Leader Franklin Drilon at si Senator Grace Poe.
Kaya ikinagulat ng pamilya Sotto ang naging pinal na pagpapasya ni Pangilinan nitong Oktubre 8, huling araw ng paghahain ng COC.
Sa panayam ni Sotto sa midya sa naganap na consultative meeting sa Cebu City, inamin nitong nagulat ang kanyang pamilya sa anunsyo ni Kiko.
“Surprised. Nagtataka, you better ask them. Mas mabuting sila ang tanungin mo,”sabi ni Sotto.
Sa ulat ng PEP PH, ibinahagi naman ng bunsong anak ni Tito at Helen na si Ciara Sotto ang pagkadismaya matapos tila banggain ni Kiko ang kanyang ama sa Halalan 2022.
Itinuturing na anak-anakan ng mag-asawang Tito at Helen si Sharon kaya’t ito na lang ang naging reaksyon ng pamilya ni Tito Sotto.
Si Sharon ay anak ng kapatid ni Helen Gamboa na si Elaine Gamboa-Cuneta.