Inamin ng action star at ama ni AJ na si Jeric Raval na personal na nagpaalam sa kaniya ang aktor na si Aljur Abrenica, kung puwede nitong ligawan ang anak, ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP.

Tatlong bagay umano ang tinanong ni Jeric kay Aljur. Una raw, kung nililigawan nito ang anak na si AJ dahil inihatid nito ang anak sa PDEA office. Sumagot naman umano ito ng 'Yes po'.

jeric raval – Manila Bulletin
Jeric at AJ Raval (Larawan mula sa Manila Bulletin)

Eleksyon

49 na senatorial aspirants, naghain ng COC ngayong Oct. 7

Ngunit ang huling dalawang tanong ni Jeric ay tila hindi na masagot ni Aljur. Ang pangalawang tanong umano ay kung hiwalay na ba siya nang pormal sa misis na si Kylie, at pangatlo naman, kung ano ang sasabihin ni Jeric sa biyenan nitong si Robin Padilla kung sakaling mag-krus ang mga landas nila.

Aminado si Jeric na naaasiwa at nahihiya siya sa sitwasyon dahil magkaibigan sila ni Robin Padilla, na ngayon ay tatakbo bilang senador. Ayaw umano niyang isipin nito na si AJ na anak niya ang third party sa hiwalayang Aljur at Kylie Padilla, lalo't wala pang isang taon nang magdesisyong maghiwalay na ang dalawa at maging co-parents na lamang sa mga anak nila.

“Sabi ko kay Aljur, 'I have nothing against you, kaya lang kaibigan ko ang biyenan mo. Kung in good faith naman ang panliligaw mo sa anak ko, well, then kailangan nasa ayos ang lahat.' Gaya nga ng nasabi ko, hindi magiging masaya ang isang relasyon kung may natatapakan,'" paliwanag ni Jeric.

Kamakailan lang ay inamin ni AJ na si Aljur ang tinutukoy niyang manliligaw niya. Lumalabas na rin ang mga larawan nila habang magkasamang namimili sa isang mall, at kitang-kita ang PDA o public display of affection ng dalawa, na espekulasyon ng mga tao, wala na sila sa estado ng courtship.

CONFIRMED! AJ Raval reveals real score with Aljur Abrenica – Manila Bulletin
AJ Raval at Aljur Abrenica (Larawan mula sa Manila Bulletin)

Nito lamang Hulyo, matatandaang si Robin mismo ang nagsabing hiwalay na ang anak niyang si Kylie at si Aljur. Inamin din ni Robin na third party ang dahilan ng hiwalayan.

Noong Agosto naman nang kumpirmahin ni AJ na hiwalay na sila ng dating "Pinoy Big Brother" housemate na si Axel Torres.

Lumitaw ang isyu na may 'something' ang dalawa dahil sa 'connect the dots' ng mga Maritess sa ugnayan ng lumabas na larawan ni Aljur na naka-topless habang may hawak na mug sa labas at harap ng isang bintanang may rehas na kulay itim, na kapareho ng bintana ni AJ sa kuwarto nito, na nasilip naman sa vlog niya.

Nitong Oktubre lamang, nilinaw ni Kylie na pareho nilang desisyon ni Aljur na maghiwalay na, at malaya na silang makipag-date sa iba.