Target ng pamahalaan na masimulan na ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccination drive para sa mga kabataang 12 hanggang 17 taong gulang sa Oktubre 15.
Sa isang televised public briefing, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje na plano nilang simulan ang pagbabakuna sa mga menor de edad sa Metro Manila at magiging prayoridad nito yaong may mga comorbidity, katulad ng heart, kidney, at respiratory problems.
“Ang target natin ay masimulan ito sa Oct. 15. Uumpisahan natin sa National Capital Region (NCR), kasi maganda-ganda na ‘yong kanilang coverage ng kanilang vaccination, lalung-lalo na ‘yong kanilang A2 (senior citizens),” pahayag pa ni Cabotaje.
Pagkatapos aniya ng dalawang linggo o ang tinatawag na test run, ay dadalhin na rin nila ang pagbabakuna sa mga kabataan sa iba’t ibang rehiyon.
“Uumpisahan ang pagbabakuna sa may comorbidities,” aniya pa.
Sinabi ni Cabotaje na kinakailangan ng mga bata at ng kanilang mga magulang o guardian na lumagda ng consent forms para sa vaccination.
Dapat din aniyang magharapang mga menor de edad ng medical certificates na nagpapatunay na mayroon silang health risks.
Dagdag pa ni Cabotaje, sa ngayon, tanging ang COVID-19 vaccines na gawa ng Moderna at Pfizer pa lamang ang nakakuha ng emergency use authorization (EUA) para sa mga 12-17-year-olds sa bansa, kaya’t ang mga naturang bakuna lamang ang gagamitin para sa nasabing age group.
Mary Ann Santiago