Umabot pa sa 19,271 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala ng Department of Health (DOH) sa Pilipinas nitong Linggo. 

Base sa case bulletin no. 554 ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umakyat na sa 2,366,749 ang naitatalang total COVID-19 cases sa bansa hanggang nitong Setyembre 19, 2021.

Sa naturang kabuuang kaso naman, 7.5% o 178,196 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman at maaari pang makahawa.

Kabilang sa mga naturang active cases, ang 92.3% na mild cases, 3.1% na asymptomatic, 2.60% na moderate, 1.4% na severe at 0.6% na critical.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mayroon rin namang 25,037 bagong pasyente ang gumaling na sa karamdaman, sanhi upang umabot na sa 2,151,765 ang total COVID-19 recoveries sa bansa, o 90.9% ng total cases.

Samantala, mayroon pang 205 pasyente ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa karamdaman.

Sa ngayon, umaabot na sa 36,788 ang COVID-19 death toll sa bansa o 1.55% ng total cases.

Kaugnay nito, iniulat rin ng DOH, na mayroon pa ring 72 duplicates silang inalis mula sa total case count, kabilang dito ang 57 recoveries.

Mayroon ring 94 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ngunit malaunan ay natuklasang namatay na pala sa pinal na balidasyon.

“Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong September 17, 2021 habang mayroong 2 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 2 labs na ito ay humigit kumulang 0.7% sa lahat ng samples na naitest at 0.9% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anang DOH.

“Sa mga susunod na araw ay maaari pang tumaas ang ating mga kaso ng COVID-19. Ang pagsunod sa minimum public health standards, maiging pagsasagawa ng PDITR strategies, at pagbabakuna ay nanatiling pinakapabisang depensa sa COVID-19. Mahalaga rin na tayo ay mag-isolate at makipagugnayan sa BHERTs kung tayo ay may sintomas ng COVID-19. Ang maagang konsultasyon at pagpapatest ay makatutulong upang maputol ang hawaan sa mga bahay, komunidad, at sa mga lugar na pinagtatrabahuhan,” dagdag pa nito.

Para anila sa karagdagang detalye, maaaring bisitahin ang kanilang pampublikong site nawww.doh.gov.ph/covid19tracker.

Mary Ann Santiago