Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 20,745 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Lunes.
Base sa case bulletin no. 548 ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umakyat na sa 2,248,071 ang naitatalang total COVID-19 cases sa bansa hanggang nitong Setyembre 13, 2021.
Sa naturang kabuuang kaso naman, 8.0% pa o 180,293 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman at maaari pang makahawa, kabilang dito ang 86% na mild, 9.4% na asymptomatic, 2.62% na moderate, 1.4% na severe at 0.6% na critical.
Mayroon rin namang 22,290 bagong pasyente ang gumaling na sa karamdaman, sanhi upang umabot na sa 2,032,471 ang total COVID-19 recoveries sa bansa, o 90.4% ng total cases.
Samantala, mayroon pang 163 pasyente ang namatay sa sakit.
Sa ngayon, umaabot na sa 35,307 ang COVID-19 death toll sa bansa o 1.57% ng total cases.
Samantala, iniulat rin ng DOH, na mayroon pa ring 41 duplicates silang inalis mula sa total case count, kabilang dito ang 30 recoveries at isa ang patay.
Mayroon ring 60 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ngunit kalaunan ay natuklasang namatay na pala sa pinal na balidasyon.
Mary Ann Santiago