Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 21,411 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong Linggo.
Base sa case bulletin no. 547 ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umakyat na sa 2,227,367 ang naitatalang total COVID-19 cases sa bansa hanggang nitong Setyembre 12, 2021.
Sa naturang kabuuang kaso naman, 8.2% pa o 181,951 pa ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman at maaari pang makahawa, kabilang dito ang 86% na mild, 9.5% na asymptomatic, 2.59% na moderate, 1.3% na severe at 0.6% na critical.
Mayroon rin namang 25,049 bagong pasyente ang gumaling na sa karamdaman, sanhi upang umabot na sa 2,010,271 ang total COVID-19 recoveries sa bansa, o 90.3% ng total cases.
Samantala, mayroon pang 168 pasyente ang namatay dahil sa sakit.
Sa ngayon, umaabot na sa 35,145 ang COVID-19 death toll sa bansa o 1.58% ng total cases.
Samantala, iniulat rin ng DOH, na mayroon pa ring 65 duplicates silang inalis mula sa total case count, kabilang dito ang 57 recoveries at isa ang patay.
Mayroon ring 58 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ngunit kalaunan ay natuklasang namatay na pala sa pinal na balidasyon.
Mary Ann Santiago