Nakiusap na si Navotas City Mayor Tobias “Toby” Tiangco sa mga residente ng lungsod na magpabakuna kasunod ng muling pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) dahilan para mapuno rin ang Navotas City Hospital (NCH).

Nitong Biyernes ng gabi, ipinakita ni Tiangco ang sitwasyon sa triage tent sa labas ng NCH kung saan makikita ang tatlong hospital beds at ilang pasyente.

Ayon sa alkalde, nagsisilbing initial checking para sa mga pasyente ang triage tent na kalauna’y iuugnay sana sa mas malaking referral hospital, subalit dahil punuan din ang mga ospital sa ngayon, naiipon ang mga pasyente sa tent.

“Level 1 po ang NCH kaya limitado ang mga serbisyong maibibigay nito tulad na lamang ng ICU. Ganumpaman, sinisikap po ng ating mga frontliners na maibigay ang pag-aalagang kailangan ng ating mga pasyente,” pahayag ni Tiangco sa Facebook nitong gabi ng Biyernes.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Umapela na si Tiangco sa mga residenteng edad 18-taong-gulang pataas na magpabakuna kontra COVID-19.

“Kaya naman nakikiusap po tayo sa lahat ng edad 18 pataas, magpabakuna na po tayo para maiwasan ang malalang kondisyon ng COVID-19,” pakiusap ni Tiangco.

Muli ring pinabulaan ng alkalde ang ilang maling paniniwala ukol sa nakamamatay na virus.

“Mahawaan man tayo, di tayo magkakaroon ng severe o critical COVID at mangangailangan na dalhin sa ospital. Hindi po simpleng ubo o sipon ang COVID. Nakamamatay po ito. Wag po nating hintayin na magkasakit tayo o ang ating mga mahal sa buhay,” ani Tiangco.