Naglunsad ng kilos-protesta nitong Sabado, Setyembre 11 ang ilang grupo ng militanteng kabataan sa headquarters ng Commission on Higher Education (CHED) para ipanawagan ang P10,000 tulong-pinansyal para sa mga estudyante at ligtas na balik-eskwela sa darating na Lunes, Setyembre 13.

Larawan mula sa Facebook page ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP)

Isang programa ang ginanap ng mga estudyante sa harap ng CHED para igiit ang umano’y “matagal na ipinagkait ng gobyernong Duterte” na halagang 10,000 student aid.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Sa pahayag ng League of Filipino Students (LFS) nitong Sabado, pinunto ng grupo ang ika nila'y kawalan ng plano ng administrasyon sa muling pagbubukas ng klase sa kabila ng P773.6 bilyong sapat na pondo ng CHED sa ilalim ng 2022 P5.02T National Expenditure Program.

Dagdag ng LFS, naging pabaya umano ang Pangulo sa kabataang estudyante at binigo nito ang “2.2 million students who have dropped out since the pandemic, and many more students whose mental health is struggling because of the failed distance learning.”

Sa huli, hinamon ng grupo ang CHED na igiit sa Palasyo at sa Inter-agency Task Force (IATF) ang ligtas na balik-eskwela at angpagpinansasa ayuda para sa mga estudyante.

Sa darating na Lunes, Setyembre 13, nakatakdang magbukas ang taong-panuruan 2021-2022.