Ipinagmalaki ni Manila Mayor Isko Moreno na malapit nang umabot sa isang milyon ang bilang ng mga indibidwal sa lungsod na fully vaccinated na laban sa coronavirus disease 2019.
Ito aniya ay naganap isang linggo matapos maabot ng lungsod ang tinatawag na ‘population protection’ rate na 800,000.
Aniya, hanggang Setyembre 8, may kabuuang 931,902 indibidwal na ang fully vaccinated sa lungsod.
Sa datos mula kina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department (MHD) chief Dr. Poks Pangan, na kapwa nangunguna sa mass vaccination program ng lungsod, ang kabuuang bilang ng mga naturukan ay 1,288,414 habang ang mga bakunang na-administer ay umabot na sa kabuuang 2,172,966.
Sa kasalukuyan, halos 100% ng mga nakatanggap ng kanilang first dose ay bumabalik para sa kanilang second dose upang makumpleto ang bakuna, ayon sa alkalde.
Sinabi naman ni Pangan na ginagamit na ng lungsod ang 45 health centers nito para sa mass vaccination program ng lungsod.
Mary Ann Santiago