Inanunsyoni Pasig City Mayor Vico Sotto na bubuksan na nila ang sistema ng prangkisa para sa mga tricycle upang matuldukan na ang operasyon ng mga kolorum, gayundin ang korupsiyon na kaakibat nito.

Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Sotto na nilagdaan na niya ang Executive Order 70 na nagbubukas ng sistema ng prangkisa para sa mga tricycle upang maging legal na ang kanilang operasyon.

“PRANGKISA NG TRICYCLE, BUBUKSAN NA! Mga colorum at revoked na 12 years nang bumabiyahe puwede na mag-apply para maging legal na,” anang alkalde.

Ayon kay Sotto, dekada nang bumibiyahe ang mga naturang tricycle kaya’t marapat lamang na gawin na silang legal.

Probinsya

Mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, kumpare raw ng mga biktima

Ipinaliwanag ni Sotto na dahil sa hindi pagbubukas ng prangkisa sa mga ito ay nagkaroon na rin ng kung anu-anong korapsyon.

Inihalimbawa niya ang ilang tagaloob ng Tricycle Operation and Regulatory Office (TORO) na nagbebenta aniya ng pekeng prangkisa na hindi naman tinatanggap ng Land Transportation Office (LTO).

“Meron pang taga-loob ng TORO na nagbenta ng pekeng prangkisa na di tinatanggap ng LTO ("invalid"),” aniya pa.

Nakatanggap umano siya ng ulat na ang mga naturang indibidwal ay nagbebenta ng pekeng prangkisa sa halagang P150,000.

Nilinaw naman ni Sotto na ang aplikasyon at pagproseso sa prangkisa ay aabot lamang sa P420.

"Dito, P420 lang. Legal, madali, mawawala na yung colorum,” aniya pa.

Binigyang-diin rin naman ng alkalde na ang prangkisa ay pakikinabangan rin ng mga pasahero.

“Delikado din 'to sa mananakay. Kunyari sumakay ka sa tricycle na colorum tapos may nangyari. Paano mo hahabulin yung tricycle driver? Walang prangkisa, 'di mo siya mahahabol,” aniya pa.

“Para na rin ito sa kaligtasan ng mga mananakay- kung sakaling may mangyari mahirap maghabol sa colorum,” aniya pa.

Mary Ann Santiago