Isa na yata sa mga pinakakailangang kagamitan sa pag-aaral, lalo na sa elementarya, ang krayola o pangkulay. sa pamamagitan nito, nahahasa ang mga mag-aaral na kulayan ang mga bagay na kaniyang iginuhit, upang makita ang kabuuang estruktura o anyo nito.
Kaya naman, sino ang makalilimot sa nakaaantig na Facebook post ni Teacher Velcher Castillo noong October 2020 kung saan ibinahagi niya ang gawa ng isa sa mga estudyante niya na walang pambili ng krayola? Humingi kasi ng paumanhin ang estudyante na wala umano siyang krayola, kaya ang ginawa niya, nilagyan na lang niya ng label ang mga bahagi ng kaniyang iginuhit na lalaki.
"Sir wala po akong pambili ng krayola sorry po," saad ng estudyante.
Agad na tumugon naman ang guro, na isinulat niya sa ipinasang worksheet ng bata. Binigyan pa niya ito ng 16-stick crayons.
"Don't be sorry, nak. I understand you. Here's a box of crayons for you. Keep up the good work! See you when this pandemic finally ends. God bless and stay safe," mensahe ni Teacher Velcher.
Dagdag pa niya, "Para sa bawat estudyante, isang mahigpit na yakap. Kapit lang. Laban lang. Tuloy lang. Magkikita kita muli tayo. Know that your efforts are valid and appreciated. Kahit na at kahit pa."
Matapos umanong mag-viral ang kaniyang post noong 2020, agad na nailunsad ang kaniyang proyektong 'Project Krayola' na naglalayong mabigyan ng krayola at iba pang school supplies ang mga nangangailangang estudyante, lalo na sa panahon ng pandemya. Proud na proud si Teacher Velcher na mag-iisang taon na ito sa October 2021.
"One year na po yung PROJECT Krayola this October 2021. And we have reached out to more than 1,300 children na and counting kasi the project is still alive. Thank you!" masayang pagbabahagi ni Teacher Velcher sa panayam ng Balita Online.
Kumusta na nga ba ngayon ang estudyanteng naging viral?
"May enough school supplies na po siya at naka-enrol po siya ngayon," update ng guro.
Samantala, isa sa mga natulungan ng kaniyang Project Krayola ay isang batang hindi nakapagsasalita subalit nakaririnig. Ibinahagi niya ito sa kaniyang Facebook post nitong Agosto 2021.
"A mother approached me asking if her son can still be accommodated in our outreach program today even though her son is not included in the list of recipients, and I said YES. I then assisted them to sit," kuwento ni Teacher Velcher.
Sa pagpapatuloy niya, "As we were having the program of activities, I went to where he is seated to assist him. While assisting him, I noticed and felt that he was holding my necklace (engraved with the name JESUS infront and MARY at the back) with a fascinated look."
"I asked him if he likes the necklace, and he replied by raising his eyebrows twice, still looking at the necklace. I asked her mother if they are Catholics, and she said YES, then I gave it to him. He thanked me by giving me an "apir" and with a happy face."
"Only to find out, he can't speak but he can hear. He is not able to walk properly, and still has problems with the coordination of his body parts. But he was able to dance "otso-otso," able to demonstrate the proper washing of hands, and able to follow instructions. He's even trying to read what's written in the flyer by pointing to certain words even though there was no sound coming out of his mouth," aniya.
"'Since birth ganito na po siya,'" the mother said. He's 8 years old now. I hope that necklace and the school supplies from Project Krayola will be symbols of hope for you to keep going. You are amazing!" By the way, his name is Anghelo, truly an Angel."
Kaya naman, labis-labis ang kaniyang pasasalamat dahil marami ang natutulungang estudyante ng kaniyang Project Krayola; salamat sa mga pribadong indibidwal at grupo na nagbibigay ng kanilang donasyon upang magkaroon ng pondo ito, at maraming mga bata ang mabigyan ng krayola at iba pang school supplies.
Isa pang nakatutuwa rito, maging ang mismong Crayola Philippines ay nagbibigay rin ng donasyon para sa katangi-tanging proyektong ito. Nakarating kasi sa kanila ang viral Facebook post ni Teacher Velcher.
May mensahe naman si Teacher Velcher sa mga kapwa niya guro ngayong pandemya.
"Magpatuloy lang tayo. Laban lang mga, chers! Lagi nating ipadama na kasama pa rin nila tayo sa kanilang pagkatuto. Kahit na at kahit pa. Para sa mga bata. Patuloy sana nating bigyang-kulay ang mga pangarap nila. Padayon sa ating mga guro!" aniya.
Patuloy umano siyang mamimigay ng mga school supplies sa kabataang nangangailangan sa pamamagitan ng kaniyang Project Krayola, kaya umaasam siyang marami pa ang magbibigay ng donasyon upang makapagpatuloy ito sa magandang adhikain at gawain.