Tinupok ng apoy ang bahagi ng National Archives of the Philippines sa Paco, Maynila nitong Linggo ng madaling araw.

Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), pasado ala-1:00 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa ikaanim na palapag ng PPL Building, na matatagpuan sa UN Avenue, Paco, at inookupa ng National Archives of the Philippines, na mayroon ring tanggapan sa unang palapag ng gusali.

Nagsimula umano ang sunog sa Chief Administrative Office ng ahensya.

Dahil nasa mataas na bahagi ng building ang apoy, kinailangang gumamit ng platform aerial ladder ng mga bumbero upang maapula ang sunog, na tumupok umano sa mga computer sets at mga dokumento sa tanggapan.

National

PBBM sa impeachment complaints vs VP Sara: 'The timing is very poor'

Kinailangan din umanong basagin ng mga bumbero ang bintana para makalabas ang usok at makapasok din sila sa gusali.

Ayon sa BFP, makalipas naman ang dalawang oras ay naapula rin nila ang sunog, na umabot lamang sa unang alarma.

Walang nasaktan sa insidente dahil wala naman umanong tao sa gusali nang maganap ang insidente.

Sa pagtaya naman ng mga bumbero, aabot sa P800,000 ang inisyal na pinsala ng sunog.

Hindi pa naman umano tukoy kung anong mga dokumento ang tinupok ng apoy.

Inaalam pa rin ng BFP kung ano ang sanhi ng sunog.

Nabatid na ang National Archives ay taga-tago at tagapangasiwa ng mga dokumento ng iba't ibang ahensya sa bansa kabilang na ang historical records.

Wala pang pahayag ang National Archives of the Philippines, na magsisimula sana ang virtual seminar ukol sa records counter disaster preparedness nitong Lunes.

Mary Ann Santiago