Sinimulan na ng Philippine government ang pagsasagawa ng mandatory repatriation ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa Afghanistan kasunod ng pagkubkob ng militanteng Taliban sa Kabul, ang kapitolyo at pinaka-malaking lungsod nito.
Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), inilikas na ang 32 sa mga Pinoy at naghihintay na lamang flight mula sa Doha patungong Pilipinas.
Tiniyak ng DFA na isa pang grupo ng 19 Pinoy ang nakatakdang umalis sa nasabing bansa.
Sa pagtaya ng DFA, aabot sa 130 OFWs ang nakatira sa nasabing lugar.
Kaagad ding naglabas ang ahensya ng pinaka-mataas na alerto nitong Linggo dahil na rin sa "lumalalang security situation" sa lugar.
Sa ilalim ngAlert Level 4, magsasagawa ang gobyerno ng Pilipinas ng mandatory evacuation at pagpapauwi ng lahat ng Pinoy na nasa nabanggit a lugar.
Nitong Linggo, tuluyan nang nakubkob ng Taliban ang kapitolyo at ang presidential palace sa Kabul ilang oras matapos tumakas ng bansa ang presidente na si Ashraf Ghani.
Nauna nang binawi ng Estados Unidos ang kanilang puwersa sa lugar upang wakasan ang halos dalawang dekadang digmaan.
Bella Gamotea