Nanindigan ang isang opisyal ng Department of Health (DOH) na wala pang surge ng COVID-19 cases sa bansa, sa kabila nang pagtaas ng mga naitatalang kaso ng sakit nitong mga nakalipas na araw.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay hindi pa ikinaklasipika ng DOH na ‘surge’ ang pagtaas ng COVID-19 cases sa Pilipinas.

“Kasi ang tinitignan natin kapag we use surge, we relate it to the healthcare capacity of the country. For example sa NCR (National Capital Region), nasa moderate risk pa lang ‘yung mga gamit natin, so we cannot really classify this as a surge,” paglalahad niya nitong Miyerkules.

Aminado naman si Vergeire na posibleng isa sa mga factor nang pagtaas ng mga kaso ng sakit sa bansa ay ang Delta variant case ng COVID-19.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

“Nakikita naman ho natin ‘yung factor ng variant dito sa pagtaas ng mga kaso sa iba’t ibang lugar dito sa Pilipinas,” aniya pa.

Gayunman, nakakadagdag din dito ang ibang factors, gaya ng mobility ng mga tao at poor compliance sa health protocols.

Sa datos ng DOH, ang Pilipinas ay nakapagtala na ng 119 Delta variant cases.

Nito namang Martes ng hapon, iniulat ng DOH na nakapagtala sila ng 7,186 bagong COVID-19 infections.

Ito na ang pinakamataas na bagong daily infection na naitala ng DOH simula noong Hunyo 13.

Mary Ann Santiago