Pag-aaralan ng Department of Health (DOH) kung kailangang bawiin o hindi ang desisyon ng pamahalaan na payagan na ang mga batang edad 5-taong gulang pataas na makalabas ng bahay.

Ito’y kasunod na rin nang pagka-detect ng mga lokal na kaso ng mas nakakahawang Delta variant ng COVID-19 sa ilang lugar sa bansa.

“Kailangan natin pag-aralan of course, because there is another factor that has to be considered kung saan naka-detect tayo ng Delta variant,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa pulong balitaan.

Kailangan muna aniyang gumawa ng monitoring at assessment ang DOH sa mgarestriksiyonbago magbigay ng rekomendasyon sa Inter Agency Task Force (IATF).

National

China, walang natanggap na asylum application sa kampo ni FPRRD

“Ito pong mga ganitong pagkakataon or mga restrictions na ito, pag-uusapan po iyan lahat and we will be monitoring closely and continuously assess para po makakapag-rekomenda tayo sa IATF,” aniya pa.

Kaugnay nito, patuloy ring hinihimok ng DOH ang publiko na maging maingat at sumunod sa health protocols kahit pa may pagluluwag ng mga restriksiyon.

Matatandaang una nang pinayagang lumabas ng IATF ang mga batang nasa 5-anyos pataas sa mga open-air spaces, gaya ng mga parke, mga restoran na al fresco, at mga lugar sa labas ng mga mall.

Nitong Biyernes, iniulat naman ng DOH na nakapagtala pa sila ng 16 na dagdag na kaso ng Delta variant sa bansa, kabilang ang 11 local cases.

Paglilinaw naman ng DOH, ang pagkakaroon ng local cases ay hindi nangangahulugan na mayroon nang transmission ng Delta variant sa bansa.

Mary Ann Santiago