Plano na ni Presidential Spokesman Harry Roque na magtungo sa Bajo de Masinloc at sa Kalayaan Islands sa West Philippine Sea (WPS) kaugnay ng naiulat na pinagbabawalan ang mga Pinoy na mangisda sa pinag-aagawang karagatan.

Sa kanyang pulong balitaan nitong Huwebes, nilinaw ni Roque na matagal na niyang nais magtungo sa Bajo de Masinloc at Kalayaan Islands bago pa ito hinamon ng grupong Pamalakaya na gawin ang nasabing bagay.

“Hindi ko po kinakailangan na kahit sinong humamon. Matagal ko na pong gustong pumunta roon. Can I ask Undersecretary to arrange our trip to Bajo de Masinloc and Kalayaan? Matagal ko na po gustong makarating diyan," paglalahad ng opisyal

“Bago matapos ang termino ni Presidente, sana magkaroon po ng katuparan. Pero pupunta po ako diyan dahil gusto kong pumunta, hindi dahil meron pong paghahamon ng kahit sino," dagdag nito.

15 public schools sa Davao City, nagsuspinde ng face-to-face classes para sa kaarawan ni FPRRD

Iniharap din ni Roque ang mga litrato ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG), kasama ang mga mangingisdang Pinoy sa WPS upang pasinungalingan ang naturang ulat.

“Nakita po natin ang larawan ng Coast Guard na kinuha kahapon lamang. Sa tingin ko naman malinaw na malinaw na nakakapangisda po ang ating mga kababayan.Nandoon po ang Philippine Coast Guard kung merong aberya sa ating mga kababayan.Mga public officers po ‘yan, nanumpa po ‘yan na tutuparin ang batas, ang ating Saligang Batas… ‘Pag ang public officer po ang nagsalita, meron naman pong weight ‘yan kumbaga," sabi pa nito.

Argyll Cyrus Geducos