Sa pagbagsak ng C-130 sa Sulu na ikinamatay ng kabataang mga sundalo, muli kong naalala ang pagkamatay ng 44 SAF commandos sa Mamasapano massacre ilang taon ang nakararaan. Ang mga namatay na SAF members ay pawang kabataan din na sumuong sa panganib upang dakpin ang notoryus na terorista at bomb maker.
Nakapanghihinayang ang pagkamatay ng mga kabataang sundalo at SAF members na handang maglingkod para sa bayan. Nakalulungkot ang pagluluksa ng kanilang mga kabataang asawa at anak.
Kaagad lumipad sa Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa Western Mindanao Command (Wesmincom) sa Zamboanga City na kinaroroonan ng mga bangkay at mga sugatan, at iginawad sa kanila ang Order of Lapu-Lapu.
Sa Camp Navarro General Hospital, ipinagkaloob ng Pangulo ang Order of Lapu-Lapu na may Rank of Kampilan sa mga sundalo na nasugatan sa aksidente. Nagtuloy siya sa Naval Forces for Western Mindanao para pangunahan ang symbolic conferment ng Order of Lapu-Lapu na may Rank of Kalasag sa mga kawal na namatay sa pagbagsak ng C-130.
Batay sa Executive Order (EO) No. 35 na nilagdaan ni PRRD noong Hulyo 28, 2017, ang Order of Lapu-Lapu Kampilan at Kalasag medals ay iginagawad sa mga opisyal at tauhan ng gobyerno, at maging sa pribadong mga indibidwal, na grabeng nasugatan nawalan ng ari-arian at sa iba pang namatay sa paglilingkod sa bayan.
Sa kanyang talumpati, mangiyak-ngiyak ang Pangulo sa pakikiramay sa mga sundalo.“Noong ibinalita sa akin (When I heard the news), as usual, I go into a process of sorrow. More than anybody else kasi pareho tayo (because we are the same)." he said.
"Lubhang mahalaga ang buhay ng isang sundalo, maging sa larangan ng labanan o gaya ng nangyaring (pagbagsak) aksidente. Tiniyak niya sa mga kawal at kanilang pamilya na susuportahan sila ng gobyerno. Nangako siyang magkakaloob ng higit na pondo para sa Armed Forces of the Philippines (AFP). “Sa panahon ko (During my time), I assure you, I will add more benefits."
Ang pagkamatay ng 44 SAF members noon at ang pagkamatay ngayon ng may 50 kawal sa pagbagsak ng C-130 ay tiyak na hindi malilimutan ng sambayanang Pilipino. Sila ay mga kabataan na nagbuwis ng buhay alang-alang sa bayan. Mga bayani kayo!