Nagbabala si Senador Imee Marcos sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na dahil sa pagkaantala ng pagbayad sa mga ginastos ng government at private hospitals kaugnay ng paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay hihina ang kapasidad ng mga ito na puksain ang pandemya at maglalagay pa sa kanila sa peligrong tuluyang magsara.
"Base sa mga reklamong nakarating sa aming tanggapan ay halos nasa ₱26 bilyon pa ang hindi nabayarang utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital pa lang, habang sa mga government hospital nama'y nasa daan-daang milyon pa. 'Wag na nating hintayin pang maging sanhi ito ng kanilang pagsasara o pabayaan silang hindi maging handa sa posibleng pagkalat ng kinatatakutang Delta variant," pagdidiin ng senador.
Nauna nang sinabi ng PhilHealth na naglabas na ito ng nasa ₱6.3 bilyon sa pamamagitan ng bagong sistema ng pagbabayad sa mga ospital na mas kilalang 'Debit Credit Payment Method' (DCPM) na sinimulan noong Abril.
Gayunman, sinabi ni Marcos na kulang pa rin ang bayad ng PhilHealth sa mga ospital dahil hindi nasama sa DCPM ang mga hindi pa rin nababayarang gastos ng mga ospital para sa Covid-19 treatment nitong nakaraang taon
Leonel Abasola