Sa kulungan ang bagsak ng isang Vietnamese matapos umanong tanggapin ang inorder na 'shabu' na unang nabisto ng Lalamove rider sa Makati City, nitong Martes ng gabi.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kakaharapin ng suspek na kinilalang si Son Hai Quach, 31, at nanunuluyan saUnit 2001 Tower B, SM Jazz Residences, Garcia Street, Bel-Air, Makati City.
Sa ulat ng Makati City Police, inaresto ang dayuhang suspek nang tanggapin nito ang idiniliber na package mula sa Lalamove rider na si Jeffrey Rojo,dakong 9:45 ng gabi.
Bago ang pag-aresto, nagtungo si Rojo sa presinto upang isumbong ang booking na kanyang natanggap buhat sa MPT Suites, Kalayaan Ave.at Mercado St., Poblacion sa naturang lungsod, dakong 8:20 ng gabi.
Sinabi ni Rojo na ipinabatid ng nagpadala na ang package ay naglalaman ng face mask, gayunman, natuklasan nito na naglalaman pala ito ng iligal na droga kaya inaresto ang naturang dayuhan.
Bella Gamotea