Patay ang isang motorcycle rider nang araruhin ng isang delivery truck habang naka-red ang traffic light sa Makati City kaninang madaling araw, Hunyo 29.

Binawian kalaunan sa pagamutan ang biktimang si Benedict Jose Gonzales Sungalon, 42, residente sa Makati City, sanhi ng tinamong pinsala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Samantala pinaghahanap na ng awtoridad ang driver at pahinante ng Isuzu Wing van na may plakang RJT-110 matapos ang insidente.

Sa ulat ng Makati City Traffic Bureau, ang aksidente ay naganap sa panulukan ng Pres. Osmeña Sr. Highway at A. Arnaiz Avenue sa Bgy. Pio del Pilar, dakong 1:30 ng madaling araw.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Batay sa kuha ng CCTV, patawid na mula sa Arnaiz ang Mio type scooter na minamaneho ng biktima nang mag-berde ang traffic light.

Habang imbes na huminto dahil naka red light ang traffic light ay dumiretso naman ang delivery truck dahilan upang mabangga at makaladkad ng ilanf metro ang motorsiklo ng biktima.

Nagawa pang umabante ng kalahating kilometro ang truck na nakapangalan sa NCM Marketing Corp. bago huminto at abandonahin ng driver at pahinante nito para tumakas na marahil ay natakot sa kinasangkutang aksidente.

Kinailangan pang alisin ang nayuping motorsiklo bago naalis ang truck sa kalsada.

Bella Gamotea