Iniutos ng Sandiganbayan na ikulong ng walong taon si dating Philippine National Police (PNP) chief Jesus Verzosa at limang iba pang dating opisyal ng pulisya kaugnay ng pagkakasangkot sa maanomalyang pagbili ng mga rubber boat na nagkakahalaga ng P131.5 milyon noong 2009.
Bukod kay Verzosa, ipinakukulong din ng Sandiganbayan Third Division sina dating PNP Deputy Director General Benjamin Belarmino Jr.; Deputy Director General and bids and awards committee (BAC) head Jefferson Soriano na ngayo’y alkalde ng Tuguegarao City; Director at BAC vice chair Luizo Ticman; Director at BAC member Romeo Hilomen; at Chief Superintendent at BAC member Villamor Bumanglag.
Pinagbawalan na rin sila ng anti-graft court na magtrabaho sa pamahalaan.
Ayon sa korte, sangkot ang mga ito sa maanomalyang pagbili ng 75 police rubber boats (PRB) at outboard motors (OBM).
Itinuloy ng mga ito ang proyekto dahil sa kakulangan ng water assets ng PNP maritime group katulad nang naranasan sa pagtama ng bagyong ‘Ondoy’ noong Setyembre 26, 2009.
Sa rekord ng kaso, nasayang lamang ang pera ng gobyerno sa nasabing proyekto matapos na hindi magamit ang mga biniling PRB at OBM dahil depektibo ang mga ito.
PNA