Ibinasura ng Supreme Court ang mosyon ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles na pansamantala itong palayain kahit nakakulong na sa kasong plunder na isang non-bailable offense.
Ito ay tugon ng Korte Suprema sa hirit ni Napoles na nanganganib ito na mahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil sa sakit niyang diabetes.
Hiniling ni Napoles na ma-hospital arrest na lamang ito o makapagpiyansa dahil sa kanyang kalusugan.
Paliwanag ng hukuman, nabigo si Napoles na magharap ng exceptional at compelling considerations upang mai-release muna ito sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong.
Matatandaang hinatulan si Napoles at abogadong si Richard Cambe na makulong hanggang 40 taon dahil sa maling paggamit sa P224.5 milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ilang taon na ang nakararaan.
Si Cambe ay dating chief of staff ni Revilla.