Posible umanong sa Agosto o unang bahagi ng Setyembre magbukas ang klase para sa School Year 2021-2022.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na tatlong petsa ng pagbubukas ng klase ang ipiprisinta nila kay Pangulong Rodrigo Duterte para maaprubahan.
Una aniya ay ang class opening sa Agosto na siyang naaayon sa batas, o di kaya ay una o ikalawang linggo ng Setyembre.“Kailangan may choice naman dahil siya ang magdi-decide, bibigyan namin siya ng tatlong choices. 'Yung August na sang-ayon talaga sa existing law, at saka kung mag-extend siya up to September, first week or second week,” ayon kay Briones.
Matatandaang una nang ipinanukala ng DepEd na magbukas ang klase sa Agosto 23 ngunit umani ito ng pagtutol sa hanay ng mga guro at mga estudyante.
Nilinaw naman ng DepEd na ang pangulo pa rin ang may pinal na desisyon hinggil dito.
Ang School Year 2020-2021 ay nakatakdang magtapos sa Hulyo 10.
Samantala, sinabi ni Briones na unanimous si Pangulong Duterte at kanyang mga gabinete na payagan ang panukalang face-to-face classes ng DepEd sa ilang piling paaralan, bagamat binawi ito nang mapaulat ang bagong coronavirus variant sa United Kingdom.
Naging sanhi rin aniya ng concern sa pagbubukas ng klase ang isa pang variant ng COVID-19 sa India.
Tiniyak naman ni Briones na kung talagang mahirap kontrolin ang mga naturang variant ng COVID-19 ay hindi pa rin sila magpi-face-to-face classes sa susunod na pasukan at sa halip ay gagamit na lamang ng teknolohiya upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga bata sa gitna ng pandemya ng COVID-19.
Mary Ann Santiago