Hindi kinakitaan ng pangangalawang ang taekwondo jin ng San Beda University nang magpamalas ito ng dominasyon at angkinin ang unang gold medal sa kabubukas pa lamang na NCAA Season 96.
Nakakuha ng kabuuang 7.217 ang national team member na si Alfritz Arevalo upang makamit ang gold sa men's standard poomsae.Pumangalawa sa kanya si Ivan Murray Solimen na nakakuha ng 7.134 puntos at pumangatlo si Roi Vinson Belano ng host Letran na may 7.083.
Hindi naman umabot sa podium sina Christian Dave Tayrus ng Arellano University na nagtapos na fourth (6.617); John Harold Estoy ng San Sebastian(6.417) at ang Jose Rizal University bet na si Mikko Jeremi Bataoil (6.284) na nagtapos na fifth at sixth placers ayon sa pagkakasunod na sinundan nina Jake Aldrin Ramos ng Lyceum (6.150)at Ralph Laurenz Gasco ng EAC (6.033).
"Big thanks to everyone who supported the athletes, especially us. And huge thanks also to my coaches and teammates," pahayag ni Arevalo.
Marivic Awitan