Ipinagdiwang ng mga Pinoy ang ika-123 taon ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park sa Ermita, Maynila nitong Sabado ng umaga.
Ang naturang mahalagang okasyon ay pinangunahan nina Justice Secretary Menardo Guevarra at Manila Mayor Isko Moreno.
Kabilang sa mga naging tampok ng selebrasyon ay ang pagkakaroon ng flag-raising ceremony at pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng bayaning si Jose Rizal.
Lumahok din naman sa programa sina Rene Escalante, tagapangulo ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, at Cecille Romero ng Komite sa Pagpapaunlad ng mga Pambansang Liwasan.
Hindi naman na nakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdiriwang at sa halip ay nagpadala na lamang ng isang video message.
Sa kanyang mensahe, nagpaabot ng pakikiisa ang pangulo sa pagdiriwang ng bansa sa Araw ng Kalayaan.
Pagtiyak pa niya sa mga Pinoy, sa kabila ng mga pagsubok at pandemyang nararanasan ngayon ay makababangong muli ang Pilipinas.
“The challenges of past years have tested our character as a nation. Each of us have been called upon to be heroes in our right, fighting for our survival and devoting ourselves to the common good just as our heroes did more than a century ago,” sabi pa ni Duterte.
Mary Ann Santiago