Nangako si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na sisibakin ang pulis na bumaril at pumatay sa 52-anyos nitong kapitbahay sa Quezon City, kahapon.
Kinilala ang sinibak na pulis na si PMsgt. Henzie Zinampan, 42-anyos, nakatalaga sa Camp Crame Headquarter PNP - Security ang Protection Group at nakatira sa Bgy. Greater Lagro, Quezon City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng QCPD- Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), bandang 9:30 ng gabi kamakalawa, may binili sa tindahan sa lugar ang kapitbahay na biktima na si Lilibeth Valdez, 52-anyos.
Ilang saglit, dumating ang suspek na si Henzie, galit na hinawakan sa buhok si Lilibeth at binaril sa leeg na kanyang ikinasawi noon din.
Dahil dito, agad pinasisibak ni PNP chief Guillermo Eleazar ang sumukong pulis kay QCPD Director PBrig. Gen. Antonio Yarra at pinaghahain ng kasong administratibo laban bukod pa sa kasong murder na isasampa.
Nabatid sa imbestigasyon na may alitan ang pamilya ng biktima at pulis kung saan nakasuntukan ng pulis ang lalaking anak ng biktima nitong Mayo 1 at pinatay naman ng suspek si Mrs. Valdez noong May 31.
Patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng CIDU sa karumaldumal na krimenJun Fabon