Tiwala si National Task Force (NTF) Deputy Chief Implementer Vince Dizon na maaaring maabot ng National Capital Region (NCR) ang herd immunity bago ang Pasko.
Sa isang briefing sa Palasyo nitong Martes, Mayo 25, ibinahagi ni Dizon na target na pamahalaan na mabakunahan ang 70 porsiyento ng populasyon ng NCR at walong iba pang lugar na ikinokonsiderang “high risk” sa coronavirus disease (COVID-19).
Kapag maayos na ang suplay ng bakuna sa bansa, sinabi ni Dizon na plano nilang mabakunahan ang 500,000 Pilipino kada araw.
“Ang goal natin, bago mag-Pasko, naabot na natin ang goal natin na 70 percent [sa NCR]. Ang target per day dapat 120,000 sa NCR at 200,000 sa NCR Plus 8,” pahayag ng testing czar.
Binubuo ang NCR Plus ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Pampanga, Batangas, Cebu at Davao.
“Wala pa rin tayo dyan, pero kampante tayo na kapag dumating ang mga bakuna kaya yang ibakuna ng ating [local government units], private sector, at iba-iba pang organizations na tulong-tulong nating gagawin pag dumating na ang supply,” aniya.
“Kagaya nung nakikita natin sa ibang bansa, kapag marami nang nababakunahan ng two doses nang buo ay nakakakita na tayo ng pagbaba ng mga kaso at pababa nang pababa ng mga namamatay dahil sa COVID-19. Dahil dun hindi na tayo matatakot na magbukas pa ng ating ekonomiya,” saad pa ni Dizon.
Sa datos na iprinisinta ni Dizon, nasa kabuuang 4,305,574 doses na ng COVID-19 vaccines ang naibakuna hanggang nitong Mayo 24.
Mula sa bilang na ito, higit 3.3 milyong Pilipino ang nakatanggap na ng kanilang unang dose, habang 986,929 Pilipino ang nakakumpleto na ng kanilang second dose.
Sa Hunyo, aniya, sisimulan ng pamahalaan ang pagbabakuna sa A4 category o economic frontliners sa NCR Plus 8.
“Sa NCR Plus 8 mag-uumpisa na tayo sa A4 vaccination. Abangan lang natin sa mga susunod na araw lalabas na yung guidelines. Sa A5 [indigent population] naman, uumpisahan natin yung listahan ng 4Ps [Pantawid Pamilyang Pilipino Program]. Bibigyan natin ng flexibility ang ating mga government chief executive para i-determine sino ang mga kasama sa A5,” aniya.
Nitong Lunes, inirekomenda ni Dr. Guido David ng OCTA Research na mabakunahan ang 7 milyong residente ng Metro Manila upang maabot ang “herd containment” bago magtapos ang taon.
Gabriela Baron