Inanunsiyo na ng Department of Education (DepEd) ang petsa ng graduation at moving up ceremony sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Sa isang memorandum, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na ang kindergarten, Grade 6, 10, at 12 ay maaaring magsagawa ng end-of-school-year (EOSY) rites mula Hulyo 12 hanggang 16, o ilang araw lamang bago ang pagtatapos ng klase sa Hulyo 10.

Sinabi ni Briones na ang mga naturang selebrasyon ay dapat naka-fokus sa temang “Strengthening the Quality of Education Amid the COVID-19 Pandemic.”

Binigyang-diin rin naman ni Briones na hindi pa rin pinapayagan ang anumang ‘face-to-face ceremony,’ alinsunod sa ipinaiiral na health and safety protocols ng pamahalaan dahil sa COVID-19 pandemic.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Sa halip, magkakaroon na lamang ng virtual rites na maaaring i-broadcast sa pamamagitan ng social media platforms.

Maaari naman umanong maghanda ng maikling programa ang mga paaralan para sa mga naturang okasyon.

“Schools may prepare a short program that will run in less than two hours to consider the internet connectivity that will be consumed,” ani Briones.

Paglilinaw naman ng DepEd, ang mga pribadong paaralan ay maaaring magpatupad ng sarili nilang schedule ng kanilang graduation at moving up ceremonies, alinsunod sa kanilang school calendars.

Mary Ann Santiago