Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na binawian na ng buhay ang isang tripulanteng Pinoy ng MV Athens Bridge na nagpositibo sa Indian variant ng COVID-19 kamakailan.

Sa isang virtual forum nitong Lunes, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang lalaking seafarer na taga-Parañaque City ay namatay noong nakalipas na linggo.

Hindi pa inilalabas ng DOH ang kumpletong profile ng pasyente, na kabilang sa apat na kaso ng Indian variant na mula sa MV Athens Bridge na in-admit sa mga pagamutan sa Metro Manila.

Kasabay nito, iniulat din ni Vergeire na nakarekober na at nagpapagaling ang tatlong iba pang na-confine na tripulante.

National

Honeylet naiyak sa ginawa kay FPRRD: 'Kinidnap n'yo siya, wala kaming laban!'

“For the crew members of MV Athens Bridge, among the four confined, one died last week. I think that was Friday. The three others are already recovering while still at the hospital,” ayon kay Vergeire.

Matatandaang siyam na seafarer ng MV Athens Bridge ang unang naiulatna nahawaan ng Indian variant.

Ang lima pa sa kanila ay kinailangang ilagay sa isolation facility at ngayon ay magaling na rin.

“The rest of the members of the crew were already tagged as recovered. Ibabalik na po sa kanilang mga local governments, kung saan po sila patuloy na imu-monitor,” ayon pa kay Vergeire.

Kaugnay nito, nakabalik na rin sa kanilang bayan ang dalawang unang dinapuan ng Indian variant matapos na mag-negatibo na ang mga ito sa COVID-19 test.

Patuloy pa rin naman umanong minomonitor ang isang seaman na galing sa Belgium na natuklasang nahawaan din ng virus.

Mary Ann Santiago