Iminungkahi ng OCTA Research group sa pamahalaan na unahing targetin na mabakunahan laban sa COVID-19 ang 50% ng populasyon sa Metro Manila at anim pang high-risk areas upang maabot ang ‘herd containment.’

Bukod sa Metro Manila, dapat din anilang agad na mabakunahan ang mga residente sa mga lungsod ng Tuguegarao, Santiago, Baguio, Cainta, Cebu, at Imus na nagkakaroon ng mataas na COVID-19 attack rates.

Dahil dito, inaasahang mangangailangan ng 15.96 milyong doses ng bakuna para mabakunahan ang kabuuang 7.98 milyong mamamayan.

Ipinaliwanag pa ng grupo ng mga eksperto na sa ibang mga bansa na nakapagbakuna na ng 50% ng kanilang populasyon ay nagkaroon ng agarang impact sa herd containment ng COVID-19.

National

FPRRD, ipinaaresto sa ICC para magkaroon ng ‘Marcos Forever’ – Harry Roque

“In many countries that have vaccinated 50% of the population, there has been an immediate impact on herd containment of COVID-19. This is the immediate target in high-risk areas,” anang OCTA.

Idinagdag pa nito na ang 30% hanggang 40% ng populasyon sa moderate-high risk areas at 20% hanggang 30% ng populasyon sa moderate risk areas ay dapat ring mabakunahan agad laban sa COVID-19.

Aniya, kung gagawin ito, mangangailangan ang bansa ng 7.3 milyong doses para sa moderate-high risk areas at 3.08 milyong doses para sa moderate risk areas.

“A rollout of 30 to 35 million vaccines before the end of 2021, allocated by risk level, will help the country recover before the end of 2021,” ayon pa sa mga eksperto.

Iniulat ng OCTA na ang 80% ng mga bagong COVID-19 cases na naitala sa bansa ngayong taon ay mula sa Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon, Central Visayas, at Western Visayas.

Ang naturang limang rehiyon din anila ang may pinakamataas na gross regional domestic product loss noong 2020, base na rin sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Saad pa ng OCTA, ang regional allocation ng bakuna ay dapat ring sumunod sa kahalintulad na pattern, kung saan 40% hanggang 45% ng mga bakuna ay dapat mapunta sa Metro Manila, 15% hanggang 20% sa Calabarzon, 10% sa Central Luzon, 6% sa Central Visayas at 4% sa Western Visayas.

Ang natitira pang doses ay dapat namang ipamahagi sa iba pang bahagi ng bansa.

“A national rollout program based solely on population, regardless of risk levels of each province or LGU, will delay pandemic and economic recovery in the country due to global supply chain issues. The country cannot afford to wait another year to reach herd immunity,” giit pa ng OCTA.

Nabatid na hanggang noong Mayo 22, ang Pilipinas ay nakapagbakuna na ng mahigit sa tatlong milyong indibidwal.

Target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 58 milyon hanggang 70 milyong indibidwal bago matapos ang taon upang maabot ang herd immunity.

Mary Ann Santiago