Isang senior citizen na kasama sa barangay drug watchlist, ang napatay nang pagbabarilin ng riding in-tandem habang sakay ng scooter at kaangkas pa ang kanyang maybahay sa Tondo, Maynila nitong Huwebes ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang nakilala lamang na si Alberto Neneng, 64, at taga-182 Younger St., Bgy. 131, Tondo, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nakaligtas naman ang misis ng biktima na hindi na isinapubliko ang pagkakakilanlan at nagkaroon lamang ng galos sa binti.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong 8:40 ng gabi nang maganap ang krimen sa tapat ng isang chapel sa Solis St., Tondo, sakop ng MPD-Jose Abad Santos Police Station 7 (PS-7).
Nakuhanan pa ng CCTV ng Barangay 207 ang pangyayari, kung saan makikitang nagmamaneho ang biktima ng kulay orange at itim na motorsiklo na walang plate number, sa Solis St. nang bigla na lang siyang dikitan ng riding-in-tandem at pinagbabaril.
Dahil dito, sumemplang ang minamaneho nitong motorsiklo kaya’t nasugatan ang kanyang kaangkas na asawa.
Nakarekober naman ang mga awtoridad ng tatlong basyo ng kalibre .45 baril mula sa crime scene.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay kasama sa drugs watchlist ng kanilang barangay at may kategoryang Street Level pusher.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso.
Mary Ann Santiago