Umapela si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan na bilisan ang pamamahagi ng mga donasyong coronavirus disease 2019 (COVID-19) AstraZeneca vaccines sa bansa na sinasabing nakatakda nang ma-expire sa Hunyo at Hulyo.
Nauna rito, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mag-e-expire na sa Hunyo 30 at ang iba naman ay sa Hulyo 31 ang mga naturang bakuna.
Ayon kay Pabillo, nararapat lamang na bilisan na ng pamahalaan ang pamamahagi ng nasabing bakuna upang hindi masayang ang mga ito at sa halip ay makatulong sa mga Pinoy upang magkaroon na ng kapanatagan at kaligtasan laban sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“Kaya nga dapat mas maging systematic at mas maging mabilis ang pamamahagi ng mga AstraZeneca vaccines na 'yan para hindi po ma-expired. Sa halip na makatulong na sa tao, masasayang pa kapag na-expired 'yan,” ani Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Samantala, nauna nang sinabi ng dating miyembro ng National Task force on COVID-19 na si Dr. Tony Leachon na dapat nang humingi ng tulong ang pamahalaan sa mga pribadong sektor upang mapabilis na ang pamamahagi ng vaccines.
Paliwanag ni Leachon, masyadong mababa ang average rate ng vaccination sa Pilipinas na aabot lamang sa 30,000 hanggang 60,000 kada araw.
Mary Ann Santiago