Kumpiyansa ang pamahalaan na maaabot na ang herd immunity laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila at walo pang lugar sa bansa, pagsapit ng buwan ng Nobyembre.

Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, isinusulong na ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna sa may 108,000 katao kada araw sa National Capital Region (NCR), Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Pampanga, Rizal, Metro Cebu at Metro Davao, ngayong mas marami nang bakunang dumarating sa bansa.

“Ang tina-target natin ay by November at least for the NCR plus,” pahayag ni Cabotaje, nang matanong sa isang panayam sa telebisyon kung kailan nila inaasahang maaabot ng bansa ang herd immunity laban sa COVID-19.

Bagamat sa ngayon ay nakaasa pa ang bansa sa global supply ng bakuna, optimistiko pa rin aniya ang DOH dahil mas marami pang bakuna ang inaasahang darating sa bansa sa ikalawang bahagi ng taon.

National

3 suspek sa pagkidnap at pagpaslang kay Anson Que, driver nasakote na!

“We will receive about 10 to 11 million doses ng June, July, August so more or less steady 'yan so we will be able to reach a lot of vaccinees especially in the NCR plus areas,” ani Cabotaje.

Matatandaang Marso nang magsimula ang Pilipinas na magbakuna ng mamamayan laban sa COVID-19.

Sa kautusan ng pamahalaan, inuunang bakunahan ang mga nasa priority list omga pinaka-vulnerable na dapuan ng malalang karamdaman.

Dahil naman sa limitadong suplay ng bakuna, hanggang sa kasalukuyan ang nababakunahan pa lamang sa bansa ay yaong nasa ilalim ng A1 category o yaong medical frontliners; A2 category o yaong mga senior citizen at A3 category na kinabibilangan naman ng mga persons with comorbidity.

Sinabi naman ni Cabotaje na target nilang masimulan na rin sa mga susunod na araw ang inoculation program sa mga manggagawa sa essential industries at indigent people sa NCR at mga kalapit na lalawigan nito, kung saan nagkakaroon ng surge ng COVID-19.

Tiniyak rin naman niya na masusi nang minumonitor ng pamahalaan ang ilan pang lugar sa Visayas at Mindanao na nakapagtatala rin nang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit.

Nakatakda na aniyang magtungo sina vaccine czar Carlito Galvez at testing czar Vince Dizon sa Zamboanga upang alamin ang dahilan nang surge ng COVID-19 cases sa mga naturang lugar.

Mary Ann Santiago