Arestado ang tatlong drug suspect kabilang ang isang menor de edad sa isang buy-bust operation sa Muntinlupa City, nitong Lunes.

Kinilala ang mga suspek na sina Jovell Vivo, 28, dalaga, residente sa Bgy Bayanan , Muntinlupa City; Cyrus dela Cruz, 32, binata, ng Bgy. Poblacion; at ang 15-anyos, na taga-Bgy. Bayanan sa nasabing lungsod.

Sa natanggap na ulat ng Southern Police District mula kay Sg Jonathan Tolentino, nagkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng ng Station Drug Enforcement Unit laban kay Vivo na nagresulta ng agarang pagkakaaresto nito kasama ang dalawa umano nitong kasabwat sa PNR Site, Bgy. Bayanan, dakong 4:50 ng hapon.

Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong maliliit na pakete at isang medium transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 26 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P176,800 at P500 buy-bust money.

Internasyonal

Embahada ng Pilipinas sa Korea, pinaiiwas mga Pilipino sa rally

Sasampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Vivo at Dela Cruz na kapwa nakakulong sa Muntinlupa Custodial Facility habang nasa pangangalaga ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad.

Bella Gamotea