Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga local government unit (LGUs) na huwag iimbak ang mga COVID-19 vaccine kasama ng mga pagkain, dahil hindi ito bahagi ng protocol ng bansa sa tamang handling ng mga bakuna.
Ang pahayag ay ginawa ng DOH bunsod ng mga ulat na may ilang LGU na kumontrata ng mga food chain suppliers para sa pag-iimbak at pagbibiyahe ng kanilang mga bakuna.
“Sinabi na po natin na the vaccines should have a separate storage, it should not be mixed with food kung mayroon man tayo,” ayon pa kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa isang public briefing.
“Makikita natin baka 'yung ibang local governments, dahil mayroon tayong 2 to 8 degrees lang na mga bakuna, baka naisasama sa mga pagkain sa refrigerator at hindi po ito tama,” aniya pa.
Matatandaang noong Enero, sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. sa mga LGU at mga pribadong kumpanya na dapat pairalin ang vaccine cold storage standards na itinatakda ng national government at huwag lang basta magsagawa ng sarili nilang refrigeration measures upang hindi masayang ang mga bakuna.
Mary Ann Santiago