Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na tatlong close contacts ng overseas Filipino worker (OFW), na unang natukoy na infected ng India variant, ang nagpositibo na rin sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang pagpupulong nitong Sabado.

“As to the case number 2, the 58-year-old male from UAE [United Arab Emirates], meron po tayong verified na 32 close contacts doon sa eroplano at tatlo po sa kanila ay positive,” ayon kay Vergeire.

Ang specimen aniya ng isa sa naturang tatlong close contacts na nagpositibo sa virus ay isinasailalim na sa whole genome sequencing habang patuloy pa nilang tinutunton ang dalawang iba pa.

National

5.1-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte; aftershocks, asahan!

“Ipina-submit na po natin sa whole genome sequencing ‘yung isang sample at ‘yung sa dalawa ay hinahanap po natin, nilo-locate po ‘yung dalawang individual,” aniya.

Kaugnay nito, ang 28 pa naman sa 32 close contacts ay nagnegatibo na sa virus, habang ang datos ng isa pang pasahero ay biniberipika pa sa database ng DOH.

Sa kabilang dako, sinabi ng DOH na mayroon namang anim na close contacts ang isa pang OFW na mula sa Oman at natukoy na nahawaan din ng India variant ng COVID-19.

Sa anim na ito, tatlo na ang nagnegatibo sa COVID-19 habang tinutukoy pa umano nila ang tatlong iba pa.

“’Yung tatlo hinahanap pa ho namin sa database dahil 'di nagma-match ang mga pangalan na nasa manifesto [ng flight details],” paliwanag ni Vergeire.

Matatandaang una nang kinumpirma ng DOH na may dalawang lalaking OFW na nagpositibo sa Indian variant ng COVID-19.

Kapwa magaling naman na ang mga naturang OFW at ngayon ay nasa Soccsksargen at Bicol na.

Mary Ann Santiago