Dumating na sa bansa ang mahigit dalawang milyong doses ng AstraZeneca coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine mula sa COVAX facility, nitong Sabado.
Ang COVAX facility ay ang international partnership na itinatag upang matiyak ang patas na distribusyon o pamamahagi ng COVID-19 vaccine sa buong mundo.
Sa joint press statement ng Department of Health (DOH), World Health Organization (WHO) at United Nations Children’s Fund (UNICEF), ang naturang shipment ay karagdagan sa kalahating milyong doses ng nabanggit na bakuna na unang idineliber noong Marso, at bahagi ng 4.5 milyong total doses na ipinangako ng COVAX sa Pilipinas.
Simula nang dumating ang unang shipment ng mga bakuna mula sa COVAX facility noong Marso, mahigit dalawang milyong doses na ng COVID-19 vaccine ang nai-administer sa Pilipinas.
Mahigit 300,000 Pinoy na rin na nasa priority groups ang nakatanggap na ng dalawang dose ng bakuna at ngayon ay fully vaccinated na laban sa COVID-19.
Halos 100% naman ng AstraZeneca vaccines na naideliber noong Marso ay naipadala na sa mga local government units (LGUs).
Hanggang nitong Mayo 2, 2021, mula sa 525,600 doses ng naturang bakuna ay 525,337 na ang nai-administer sa mga health workers, matatanda, at mga persons with underlying health conditions.
Ang naturang bagong shipment naman anila ay ipagkakaloob ng pamahalaan para sa mga indibidwal na nabakunahan ng first dose, gayunman, hindi pa nabibigyan ng kanilang second dose, gayundin sa iba pang target populations.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga mamamayan na ngayong may bagong suplay ng AstraZeneca vaccine ay magpaturok na sila ng second dose ng bakuna.
Mary Ann Santiago