ni MARY ANN SANTIAGO

Walang anumang adverse effect na naitala ang Department of Health (DOH) mula sa Sputnik V COVID-19 vaccine, na sinimulan nang iturok sa mga Pinoy nitong Martes.

Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, sa unang batch na 15,000 Sputnik V jabs na natanggap ng bansa noong Mayo 1 ay 2,634 doses na ang naiturok kamakalawa.

Karamihan aniya sa mga nakatanggap ng bakuna ay mula sa mga lungsod ng Parañaque na nasa 2,100, Makati na nasa 309 at Maynila na nasa 165.

Eleksyon

Marcoleta nagpapatulong sa mga botante: ‘Dalhin n’yo ako sa Senado!’

Ang magandang balita naman ay wala ni isa man sa mga nabakunahan ang nag-ulat na nakaranas sila ng seryosong side effects ng bakuna.

“Wala kaming naitalang serious side effect, kasi kung may serious side effect, nai-report agad ‘yan,” ayon kay Cabotaje sa isang online public briefing.

“Ang ini-expect nating side effect, gaya rin ng nararamdaman natin sa iba-ibang bakuna, hindi lang ng COVID, pati iyong ibang bakuna,” aniya pa.

Kabilang aniya dito ay pananakit ng mga kalamnan at kasu-kasuan at bahagyang lagnat.

Nabatid na ang ikalawang dose ng Sputnik V vaccine ay nakatakda namong iturok matapos ang 21 araw.

Inaasahan rin ng mga awtoridad na matatapos ang distribusyon ng second doses ng bakuna sa ikatlo o ikaapat na linggo ng buwang ito.

Matatandaang ang 15,000 doses na initial order ng Sputnik V ay hinati-hati lamang ng pamahalaan sa limang lungsod na nakaabot sa storage requirement nito.

Bukod sa mga lungsod ng Parañaque, Makati at Maynila, nakatanggap din ng tig-3,000 doses ng Sputnik V vaccine ang mga lungsod ng Taguig at Muntinlupa.

Samantala, iniulat naman ni Cabotaje na hanggang sa ngayon ay umaabot na sa 4.040 milyon ang COVID-19 shots na natanggap ng Pilipinas.

Karamihan aniya dito ay napunta sa NCR Plus areas, na kinabibilangan ng Metro Manila at mga kalapit nitong lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal, kung saan matatandaang nagkaroon ng surge ng COVID-19, na nagresulta upang magpatupad muli ang pamahalaan ng enhanced community quarantine (ECQ) mula Marso 29 hanggang Abril 11.