ni MARY ANN SANTIAGO
Tuloy ang pagdaraos ng pampanguluhang halalan sa Mayo 9, 2022 sa kabila ng nananatiling banta ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, nagsimula na sila ng countdown para sa eleksiyon dahil wala aniya silang nakikitang dahilan upang maipagpaliban ito.
Nabatid na sa ngayon ay mayroon na lamang isang taon at anim na araw para isagawa ang eleksiyon sa susunod na taon.
“We have started our countdown dahil alam natin na matutuloy ang halalan. Walang dahilan para hindi matuloy ang halalan,” paliwanag pa ni Jimenez, sa panayam sa radyo.
“We expect that we will hold the elections in the middle of the COVID-19 pandemic, that herd immunity is not yet assured at that point,” aniya pa.
Kaugnay nito, sinabi ni Jimenez na nagdagdag sila ng mga polling precinct para sa eleksiyon upang matiyak na magkakaroon ng social distancing sa botohan at hindi magkakaroon ng hawahan ng COVID-19.
Aniya, mula sa 84,000 polling precinct noong 2019 elections, mayroon na ngayong 110,000 polling precincts para sa 2022 presidential elections.
Sinabi ni Jimenez na bukod sa pagdaragdag ng mga presinto, plano rin ng Comelec na palawakin pa ang absentee voting na nagpapahintulot sa mga botante na maunang bumoto bago ang mismong araw ng eleksiyon ngunit limitado lamang para sa national posts.
“Ang namumuro ngayon ay ang pag-expand ng absentee voting. This is a privilege given to government employees who perform election day service and to the members of the media, but we are looking at expanding it to vulnerable sectors such as those persons with disabilities and senior citizens,” ani Jimenez.
“That way, we will be able to decongest the polling places and the task will be manageable,” aniya pa.
Hindi pa rin naman aniya opsiyon sa ngayon ang ‘mail-in voting’ dahil hindi pa modernized ang postal system sa bansa upang makapagpadala at tumanggap ng mga balota mula sa iba’t ibang lugar sa takdang oras.
Base sa record ng Comelec, mayroong 61 milyong rehistradong botante para sa 2022 polls.
Aminado naman si Jimenez na posibleng sa naturang bilang ay mayroon pang mga botante na maaaring namatay dahil sa COVID-19.
Una nang nanawagan si Jimenez sa publiko na kung may namatay silang mga kamag-anak kamakailan ay impormahan kaagad ang kanilang local Comelec office upang kaagad na matanggal ang mga ito sa voters’ list.
Sinabi ni Jimenez na papel ng Office of the Civil Registrar na impormahan ang Comelec hinggil sa mga nasabing pagkamatay ng mga botante ngunit dahil posible aniyang ‘overwhelmed’ din ang mga ito dahil sa pandemya ay umaapela na lang sila sa publiko na makiisa sa kanilang pagsusumikap na linisin ang listahan ng mga botante sa bansa.