ni Mary Ann Santiago
Ikinadismaya ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang isinagawang profiling ng mga awtoridad sa mga nagtatag ng community pantries sa bansa.
Ayon kay Pabillo, ipinakikita ng pamahalaan ang kawalang pagmamalasakit sa mamamayan dahil hinahadlangan ang pamamaraan ng mga tao na matulungan ang bawat isa.
Iginiit ng obispo na sa halip na magsagawa ng red tagging sa mga organizers ng community pantries ay dapat na suportahan ng pamahalaan ang magagandang inisyatibo ng mamamayan upang mabawasan ang paghihirap ng mga nasasakupan.
“Sa halip na ito'y tulungan, sa halip na isulong nandiyan na naman ang red-tagging; ganoon ka-insecure ang ating pamahalaan, ang ating kapulisan na kapag may ginagawa para sa tao sinasabi nila na iyan ay laban sa gobyerno,” ani Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Binigyang-diin pa ni Pabillo na maganda ang hangarin sa pagtatayo ng community pantries para tulungan ang mga taong labis naapektuhan ng pandemya.
Nauna rito, kahapon, Abril 20, ay pansamantalang itinigil ang operasyon sa Maginhawa Community Pantry na sinimulan ni Ana Patricia Non dahil sa pangamba sa seguridad ng mga kasamahang volunteers makaraang tatlong pulis ang nag-iimbestiga kung anong grupo ang nasa likod ng community pantry.
Lantaran din umano ang red-tagging sa mga community pantries sa mga social media pages sa pangangasiwa ng ilang ahensya ng gobyerno kabilang na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Nanawagan si Pabillo sa pamahalaan at militar na gamitin ang malaking halaga ng pondong alokasyon sa pag-iimbestiga hinggil sa terorismo.
“Iyong mga pulis, militar at pamahalaan, malaki ang kanilang budget, mga anti-subersive funding dapat gamitin ito sa pag-iimbestiga, hindi iyong basta-basta mag redtagged ng mga tao o grupo,” aniya.
Pinabulaanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na inatasan niya ang PNP na imbestigahan ang mga community pantries, habang pinabulaanan na rin ni PNP Chief Debold Sinas ang profiling at tiniyak na paiimbestigahan ang naturang insidente.
Nakipag-ugnayan na rin si Quezon City Mayor Joy Belmonte kay Non kasunod ng paghingi nito ng tulong sa lokal na pamahalaan para sa kanilang kaligtasan.
Suportado ng alkalde ang community pantries sapagkat makatutulong ito sa pangangailangan ng mamamayan at nagpapakita ito ng bayanihan sa panahong higit na nangangailangan ang kapwa.
Bago maging patok sa mga komunidad ang community pantries, una nang naglunsad ang Caritas Philippines noong Marso 2020 nang 'Kindness Station' na kahalintulad na konsepto sa community pantry.